Ipinambayad sa condo hanap ng prosekusyon

MANILA, Philippines - Nagtataka ang House prosecution panel kung saan kumuha ng ipinambayad si Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa mga condominium units na kanilang binili.

Sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, tagapagsalita ng House panel, sa loob ng isang buwan mula Marso hanggang Abril 2004 ay nagawang bayaran ng misis ni Corona na si Cristina ang condominium unit sa Bonifacio Ridge na nagkakahalaga ng P9.5 milyon.

“Sa loob lamang ng isang buwan nakabayad si Cristina Corona ng P2.4 milyon at P6.9 milyon noong April 2004. Where this came from in 2004? It’s not included in the SALN,” tanong ni Quimbo?

Batay sa SALN at ayon sa ulat ng Bureau of Internal Revenue ay walang ibang pinagkakakitaan ang mag-asawang Corona maliban sa kanilang suweldo.

Ang Bonifacio Ridge properties ay hindi rin umano idineklara sa SALN ni Corona noong 2006 hanggang 2009 at bigla na lamang “lumitaw” noong 2010.

Tinatanong ni Quimbo ang pahayag ng kampo ni Corona kung papaano nito nabili ang P14.5 milyong Bellagio penthouse unit.

“Sabi po sa answer ni Chief Justice Corona ‘The property was acquired by the Chief Justice via installment’…. Yung installment palang tinutukoy ni Chief Justice Corona ay nangyari sa tatlong tseke, isang tseke for P5 million noong October 17, 2008, isang tseke for P5 milyon again April 20, 2009 at isang tseke for P4.9 milyon ng October of 2009.”

Sa mga inilabas na ebidensya ng prosekusyon, sinabi ni Quimbo na makikita ang “pattern of deceit and lies are clear in so far as the SALN is concerned.”

Show comments