MANILA, Philippines - Hihilingin sa korte ng kampo ni dating Pangulong Gloria Arroyo na pansamantalang makalabas ng Veterans Memorial Medical Center para makadalo sa burol ng namayapang bayaw na si Negros Occidental Congressman Iggy Arroyo sakaling dumating na ang labi nito sa bansa.
Ayon kay Atty Edna Batacan, abogado ni dating first gentleman Mike Arroyo, base sa kanilang pag-uusap ni Atty. Estilito Mendoza, abogado ni Ginang Arroyo at ito ang kanilang napagkasunduan.
Anya, umaasa ang kampo ni Mrs Arroyo na pagbibigyan ng korte ang kanilang kahilingan.
Nananatiling nasa hospital arrest si Mrs. Arroyo dahil sa kasong electoral sabotage na kinakaharap nito.
Hindi pa mabatid ng pamilya Arroyo kung kailan ang eksaktong dating ng mga labi ni Rep. Arroyo dahil sa may mga papeles pang inaayos sa London kung saan ito pumanaw.