MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni Atty. Argee Guevarra ang pagkakatalaga sa isa sa mga tagapagsalita ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Atty. Trixie Cruz-Angeles, bilang hepe ng IBP Impeachment Watch Group dahil sa umano’y kredibilidad.
Ayon kay Atty. Guevarra, ang pambansang liderato ng IBP sa pa ngunguna ni Roan Libarios ay umaani ng batikos sa publiko at mismong mga miyembro nito dahil sa nakikitang bias nito sa pagtatanggol kay Co rona, pagharang sa kanyang impeachment trial at pagpuna sa House prosecution panel.
Binigyang-diin ni Guevarra na malinaw na ang tunay na layon ng IBP IWG ay ang magsagawa ng propaganda campaign pabor kay Corona kung kaya si Angeles ang hinirang na lider nito.
Gayunman, sinabi ni Guevarra na maaaring nahimasmasan ang liderato ng IBP kaugnay ng “makulay” na karakter ni Angeles nang sa huling pahayag nito ay sabihin na si Dennis Habawel na ang may “supervisory” authority sa IWG.
Maraming mga ordinaryong miyembro ng IBP ang bumabatikos sa kanilang organisasyon na anila’y hindi itinatag para sumawsaw sa mga prosesong pulitikal tulad ng impeachment trial ni Corona.
Kaugnay nito, hayagang kinontra ng IBP Cebu City Chapter ang pambansang liderato ng IBP nang maglabas ang una ng resolusyon na sumuporta sa impeachment trial at humikayat kay Corona na mag-leave of absence habang nililitis siya.