MANILA, Philippines - Tuluyan nang inirekomenda ng Department of Justice (DoJ) ang paghahain ng kasong malversation of funds laban kay dating Local Water Utilities Administration (LWUA) Chairman Prospero Pichay.
Ang kaso ay nag-ugat sa sinasabing iligal na pagbili ng LWUA sa Express Savings Bank na nagkakahalaga ng P480 million. Kung maaalala, noong nakaraang taon ay ipinag-utos ng Malacañang ang pag-dismiss kay Pichay dahil sa anomalya sa pondo ng ahensya.
Bukod dito, may pending administrative case rin si Pichay sa Office of the President.
Nahaharap din sa tax evasion case sa DoJ ang dating opisyal matapos na kasuhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), dahil sa pagkabigo umano nito na maghain ng kaniyang income tax return noong taong 2009, kung saan lumobo ang net worth nito sa P58.5 million.
Sa panig naman ni Pichay, iginiit nito na bahagi lamang umano ng “political persecution” ang paghahabol sa kaniya ng kasalukuyang gobyerno dahil bahagi ng mga opisyal na naugnay kay dating Pangulong Gloria Arroyo.