MANILA, Philippines - Ayaw umanong husgahan ng Senado na tumatayong impeachment court sa paglilitis kay Chief Justice Renato Corona ang magiging desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa pagpalabas ng temporary restraining order (TRO) upang pigilan ang impeachment proceeding.
Sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na pantay lamang ang tungkulin ng Korte Suprema at ng Senado na hindi maaring hawakan ng bawat ahensiya.
“Hindi ko muna hu-husgahan ang magiging desisyon ng Mataas na Hukuman,” sabi ni Enrile.
Naunang iginiit ni Enrile na walang makakapigil sa kanila habang ginagawa nito ang tungkulin na nakasaad sa Konstitusyon.
Tahasang sinabi ng Pangulo ng Senado na kung may isyu ng pag-abuso sa kanilang panig bilang impeachment court ay saka na lamang ito lulutasin pagkatapos ng kanilang trabaho sa kaso ni Corona.
“Ngayon, kapag kami ay nagkamali at naging tirano o mapanupil kami sa aming desisyon, maaa-ring maging isyu na ito kinalaunan pagkatapos ng aming trabaho. Pero, habang nagtatrabaho kami, sa aking opinyon, walang sino man ang puwedeng makialam sa amin,” diin ni Enrile.
Bagamat nilinaw ng senador na tatalima pa rin ang Senado sa kautusan ng Korte Suprema na magkomento kaugnay ng mga nakabinbin na TRO petition bilang paggalang na rin sa co- equal branch ng pamahalaan.
Buo ang paniniwala ng liderato ng Senado na hindi maglalabas ng TRO ang hukuman laban sa Corona trial dahil malinaw naman aniya na tanging ang kapulungan lamang ang may solong kapangyarihan na dinggin ang kaso ng punong mahistrado sa ilalim ng Konstitusyon.