MANILA, Philippines - Hinahanda na ni Justice Secretary Leila de Lima ang listahan ng mga pangalan ng posibleng ipapalit sa sinibak na si National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula.
Ayon sa kalihim, pinagsusumite siya ni Pangulong Aquino ng mga pangalan ng posibleng ihalili kay Gatdula.
Sinabi ni de Lima na may tatlo siyang mga pangalan na posibleng ibigay at nasa Pangulo na umano ang desisyon kung sino ang kaniyang itatalaga sa NBI.
Matunog na pinagpipilian ni Pangulong Aquino na magiging susunod na NBI chief sina CIDG chef Director Samuel Pagdilao Jr. at retired PNP chief Raul Bacalzo.
Sinabi naman ni Pagdilao sa PSN, nakatakda siyang magretiro sa susunod na taon pero kung mapipili siya ng Pangulo para maging kapalit ni Gatdula sa NBI ay handa siyang maagang magretiro sa PNP. Si Pagdilao na isa ring abugado ay produkto ng PMA Class 79.
Samantala ngayon ding araw iaanunsyo ni de Lima ang magiging OIC o pansamantalang mamumuno sa NBI.
Magugunita na sinibak ni de Lima si Gatdula bilang NBI director matapos masangkot ito sa kidnapping-extortion sa isang Japanese national na si Noriyo Ohara.