MANILA, Philippines - Lumagda kamakailan sa isang sisterhood agreement ang City of Valenzuela at Municipality of Narvacan para lalong mapalawak ang mutual attainment sa socio-cultural, technological at economical development ng dalawang lokalidad.
Ang kasunduan ay nilagdaan nina Mayor Sherwin T. Gatchalian ng Valenzuela City at Mayor Zuriel S. Zaragosa ng Narvacan, Ilocos Sur sa selebrasyon ng Bagnet Festival nung nakaraang buwan.
Pangunahing layon ng pagkakatatag ng naturang kasunduan ay upang i-promote ang favorable partnership at cooperation sa pagitan ng dalawang local government units at kanilang mga nasasakupan.
Pinagtibay ang kasunduan sa Valenzuela City sa pamamagitan ng City Resolution 173, Series of 2011 na iniakda ni 1st District Councilor Marlon Alejandrino.
Sa pananaw ni Mayor Win, ang ugnayan ng dalawang lungsod ay isang matibay na daan para maibahagi ng bawat lokalidad ang pinakamagagandang proyekto at programa gayundin ang pagpapadami ng kani-kanilang yaman.
Sa talumpati ni Mayor Win sa Bagnet Festival, sinabi nitong natutuwa siya sa kakayahan ng munisipalidad na i-promote ang kultura kagaya ng mga fiesta na nagbigay pag-asa sa alkalde para mapaangat ang antas ng turismo sa lungsod ng Valenzuela.
Ang Narvacan ay first class municipality sa Ilocos Sur habang ang Valenzuela City ay highly-urbanized city sa Metro Manila na umani ng pagkilala dahil sa pagiging best-governed city sa talaan ng Department of the Interior and Local Government.