SALN ni CJ bubusisiin na

MANILA, Philippines - Napasakamay din ng Senado ang kontrobersiyal na Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ni Chief Justice Renato Corona sa kabila ng ginawang pagmamatigas ni Supreme Court (SC) Clerk of Court Enriquetta Vidal na huwag muna itong ibigay sa Se­nate Impeachment Court.

 Si Vidal ang unang testigo na iniharap kahapon ng prosekusyon kaugnay sa ikalawang Articles of Impeachment na naunang tinalakay sa Impeachment Court.           

Ang tanggapan ni Vidal ang nag-iingat ng mga SALN ng mga justices ng SC.

“I’m in a quandary, in a dilemma because I am covered by the rules of court,” sabi ni Vidal bago maipalabas sa kaniya ang SALN ni Corona.

Nauna rito, sinabi ni Vidal na may resolusyon ang Supreme Court na ipinalabas noong May 2, 1989 kung saan hindi maaaring ipalabas sa publiko ang SALN ng mga justices ng SC maliban na lamang sa mga “lehitimong kadahilanan”.

“Your honor, in view of the resolution of the court on May 2, 1989, I am restricted because it says there…requests will depend on the Supreme Court,” sabi ni Vidal.

Inamin ni Vidal sa unang bahagi ng paglilitis na naging en banc clerk of court siya mula Setyembre 24, 2010.

Ang private prosecutor na si Mario Bautista ang unang nagsalang kay Vidal sa pagtatanong pero nabigo itong makuha ang SALN ng kanilang testigo.

Nang tumayo na si Drilon, napaamin nito si Vidal na dala-dala na niya ang SALN ni Corona dahil kabilang ito sa mga dokumentong ipina-subpoena ng Senate Impeachment Court.

Iginiit ni Drilon na may karapatan ang impeachment court na makuha ang SALN ni Corona.

Ipinag-utos ni Enrile kay Vidal na isurender ang mga dala niyang dokumento pero nagbabala dito si Senator-Judge Joker Arroyo na posibleng magkaroon ng showdown sa pagitan ng SC at ng Kongreso kung pipilitin si Vidal na isurender ang mga SALN ni Corona.

Ipinunto pa ni Arroyo na hindi na dapat magkaroon ng karagdagang problema ang bansa kung magkakaroon ng matinding iringan sa dalawang magkapantay na sangay ng gobyerno.

Nangangamba si Arroyo na gantihan ng SC ang impeachment court sa pamamagitan nang pagpapalabas ng temporary restraining order upang mapigilan ang impeachment trial.

Dapat umanong pagbigyan na lamang ang testigo sa kahilingan nitong magpaalam muna sa SC bago ibigay sa Senado ang SALN ni Corona.

Pero agad din itong kinontra ni Drilon at iginiit pa rin nitong ipa-surender ang SALN ng chief justice.

Tinanong din ni Enrile si Vidal kung bakit dinala pa sa Senado ang SALN kung wala naman itong balak ng ibigay sa impeachment court.

Hindi naman natuloy ang botohan ng mga senator-judges kung dapat piltiin si Vidal na ipa-surender  ang SALN matapos magpalabas ng desisyon si Enrile. 

Samantala, 13 testigo ang pinadalhan na ng Senate Impeachment Court ng subpoena upang tumestigo sa trial ni Corona.

Inunang talakayin kahapon sa Senate Impeachment Court ang Article 2 o ang “Failure to disclose statement of assets, liabilities and net worth” ni Corona kung saan nilaktawan muna ang Article 1.

Bukod kay Vidal, pinadalhan din ng subpoena ang walong city assessors at register of deeds ng Marikina City, Quezon City, Taguig City, Makati City, Pasay City at Parañaque City.

Kapag natapos nang talakayin ang Article 2 isusunod naman ang Article 1 o ang diumano’y “partiality” ni Corona sa mga kasong kinakasangkutan ni dating Pangulong Glorial Arroyo at saka isusunod ang Article 7 o ang “partiality in granting a temporary restraining order in favor of the Arroyo couple”.

Show comments