MANILA, Philippines - Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee sa Office of the Ombudsman ang pagsasampa ng kasong plunder at technical malversation laban kina dating Pangulong Gloria Arroyo at dating Philippine Charity Sweepstakes Office general manager Rosario Uriarte.
Ang rekomendasyon ay nakapaloob sa 124-pahinang report ng komite kaugnay sa diumano’y maanomalyang paggamit ng P325 milyon intelligence funds ng ahensiya mula 2008 hanggang mga unang buwan ng 2010 bago isagawa ang presidential election.
Ayon sa komite, ilang beses na nagpapirma si Uriarte kay Arroyo para sa pagpapalabas ng special fund para makapagsagawa ng intelligence operations na may kinalaman sa kidnapping, destabilisasyon, terorismo at bomb threat bagaman hindi naman ito trabaho ng ahensiya.
Ipinunto pa ng komite na ilang beses na lumabas ang lagda ng Pangulo sa mga disbursement request letters ni Uriarte na nagpapatunay na inaprubahan nila ang pagpapalabas ng pondo na mula P25 milyon-P150 milyon noong mga unang buwan ng 2010.
Hindi naman nakapag-prisinta ng mga resibo si Uriarte na magpapatunay kung saan napunta ang milyon-milyong intelligence fund ng PCSO.