MANILA, Philippines - Gastos lamang ang impeachment proceeding laban kay Chief Justice Renato Corona.
Ito ang pangamba nina Digos Bishop Guillermo Afable at Archbishop Oscar Cruz kung saan malaki umano ang magiging epekto nito dahil kukunin ito sa kaban ng bayan.
Ayon sa mga ito, talo ang taumbayan kapag tumagal at maging teleserye ang impeachment trial dahil buwis ng mamamayan ang gagamitin sa mga gastusin.
Ikinadismaya ni Bishop Afable ang labis-labis na pagbibigay ng halaga ng pamahalaan sa kaso ni CJ Corona kaysa sa pangangailangan ng sambayanan partikular na ang mga nasalanta ng bagyong Sendong.
Aniya, hindi pantay ang atensiyon na ibinibigay ng pamahalaang Aquino gayundin ang mga mambabatas sa impeachment kaya hindi natututukan ang pagbibigay serbisyo sa kanilang mga constituents.
Binigyan diin naman ni Archbishop Cruz na lahat ng kabilang sa impeachment court, mga mambabatas, prosecutors, pribadong prosecutors, Senator-judges, mga staff, maging ang Chief Justice at mga testigo ay suwelduhan ng mamamayan.
Ayon kay Cruz, ang impeachment kay Corona ay pagsasayang lamang ng oras at pera ng taongbayan.
Nauna nang naglabas ang Kamara ng P5 milyon para sa House Prosecution Team na gagamitin sa paghahanda, preparasyon, pagkalap ng ebidensya at dokumento at iba pa kaugnay sa impeachment trial laban kay Corona. (Doris Franche/Gemma Garcia)