Lito Lapid nasasaktan sa panlalait

MANILA, Philippines - Aminado si Senator-Judge Lito Lapid na nasasaktan din siya kapag may nanlalait o nagmamaliit sa kaniya.

Ayon kay Lapid, matagal ng may mga nanglalait sa kaniya na posible rin umanong mga naiinggit lamang.

“Dati na yan eh. Eh ako naman tao lang nasasaktan din. Eh hindi ko rin naman maiaalis sa kanila kung naiinggit sila sa akin o hindi,” sabi ni Lapid  sa isang panayam matapos magbukas ang sesyon ng Senado kahapon ng umaga.

Inamin ni Lapid na high-school graduate lamang siya at ngayon ay isa sa mga huwes ng Senate Impeachment Court kaya posibleng may mga naiinggit sa kaniya.

Tiniyak naman ni Lapid na pinaghandaan niya ang impeachment trial at kumuha pa siya ng mga karagdagang abogado upang magbigay sa kaniya ng payo.

Hindi lamang naman umano siya ang kumuha ng sariling abogado kundi maging ang iba pang senador at maging si Supreme Court Chief Justice Renato Corona na nakasalang sa pag­lilitis.

Tiniyak din ni Lapid na nakahanda siya sa kaniyang tungkulin bilang senator-judge at pag-aaralan umano niya ang mga ihahaing ebidensiya sa impeachment trial upang doon ibase ang kaniyang desisyon.

Posible rin umanong ipahiram ni Lapid sa ibang kasamahang senador ang dalawang minutong nakalaan para sa kaniya upang magtanong kung may manghihingi o aarbor nito.

Ibabase din umano ni Lapid ang pagboto ng pabor o hindi kay Corona sa mga ebidensiya at hindi sa konsensiya.

Show comments