MANILA, Philippines - Sa kabila ng nakaambang ‘terror threat ‘sa Metro Manila, walang natatanggap na banta sa seguridad ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nakatakdang impeachment trial laban kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona na mag-uumpisa sa darating na Lunes sa Senado.
Ito ang naging assessment ng PNP matapos ang isinagawang inspeksiyon sa loob at labas ng Senado.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. base sa kanilang intelligence monitoring ay walang mga terorista o anumang grupo na nagpaplanong magsagawa ng pananabotahe sa ‘impeachment trial’.
“All systems go na ang PNP, we are ready for any eventuality,” ani Cruz sa inilatag na seguridad para sa makasaysayang paglilitis.
Nananatili naman sa ‘full alert status’ ang National Capital Region Police Office (NCRPO) kaugnay ng namonitor na presensya ng mga bomb expert ng Abu Sayyaf Group sa Metro Manila.
Magtatalaga rin ang PNP ng karagdagang traffic personnel sa lugar upang hindi maapektuhan ang daloy ng trapiko sa paligid ng Senado.
Sinabi rin ni AFP Spokesman Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., nakahanda na rin ang kanilang tauhan para sa seguridad bilang augmentation force sa PNP.
May standby forces na rin ang tropa ng AFP-National Capital Region Command na nakahandang magresponde kung kinakailangan.