MANILA, Philippines - Anim lamang sa 10 opisyal ng Philippine Navy ang mapapatawan ng pagkakasibak sa puwesto, dismissal sa serbisyo at sampahan ng kasong kriminal kaugnay ng pagkakasangkot sa misteryosong pagpatay kay Ensign Philip Andrew Pestaño sa loob ng barko ng hukbo sa Bacolod City noong Setyembre 27, 1995.
Ayon kay Philippine Navy Spokesman Col. Omar Tonsay, ipinag-utos na ni Navy Chief Vice Admiral Alexander Pama na ipatupad ang kautusan ng Ombudsman sa sandaling mapasakamay na nila ito.
Nilinaw naman ni Tonsay na anim lamang sa mga inaakusahan ang mapapatawan ng kaparusahan dahil tatlo sa mga akusado ay retirado na sa serbisyo at isa naman ang dishonorably discharge.
Kinatigan ng Office of the Ombudsman ang paha- yag ng mga magulang ni Pestaño na sina Evelyn at Felipe Pestaño na hindi nag-suicide ang kanilang anak may 16 taon na ang nakalilipas kundi sadya itong pinatay.
Sinasabing si Pestaño ay pinaslang matapos itong barilin sa ulo nang umano’y madiskubre ang ginagawang katiwalian ng kaniyang mga kasamahan sa loob ng BRP Bacolod City.
Isa ring suicide note ang natagpuan sa tabi ng bangkay nito matapos na dumaong ang barko sa Manila Bay sa Headquarters ng Philippine Navy pero ayon sa mga magulang nito ay pineke ang sulat kamay ng kanilang anak kaya di sila naniniwalang nag-suicide ito.