MANILA, Philippines - Bigo ang kampo ni Caloocan City Vice-Mayor Edgar Erice gayundin ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ihain ang suspension order laban kay Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri matapos na makakuha ito ng temporary restraining order (TRO) sa korte, ilang minuto habang isinisilbi ito sa city hall kahapon.
Ang suspension order ay nilagdaan kahapon ni DILG Secretary Jesse Robredo saka itinagubilin kay DILG-National Capital Region Director Renato Brion ang order para sa implementasyon.
Ngunit bago pa man maihain ng DILG ang nasabing kautusan, lumabas na ang TRO na inisyu ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 128, Judge Eleanor Wong. Dahil dito, nagpasya ang DILG-NCR na lumisan dala na rin ang nasabing kautusan.
Ayon kay Caloocan City Administrator Russel Ramirez, ang nasabing TRO ay tatagal lamang sa loob ng 72 oras o 3 araw.
Magugunitang kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang desisyon ng Office of the Ombudsman na patawan ng anim na buwang preventive suspension si Echiverri kaugnay sa non-remittance ng GSIS contributions na aabot sa P38M ng mga empleyado ng Caloocan city hall.
Ang kaso ay isinampa ni Caloocan City Vice Mayor Erice, na magsisilbi sanang acting mayor sakaling naipursigi ang suspensyon ng alkalde
Biyernes pa natanggap ng DILG ang suspension order subalit hindi ito naihain dahil wala umanong pipirmang opisyal kaya’t nabinbin ito. Kung kaya kahapon nang tangkain ng tropa na ihain ang utos sa city hall ay naisalba si Echiverri dahil sa nakuhang TRO.
Samantala, nabigo ang kampo ni Vice Mayor Erice na agawin ang puwesto ni Mayor Echiverri kahapon matapos magpalabas ang Regional Trial Court Branch 128 ng temporary restraining order (TRO) laban sa DILG na maghahain sana ng preventive suspension order laban sa nakaupong alkalde at tatlo pang opisyal.
Kung hindi aniya mapipigilan ang DILG, maaring dumanak ang dugo sa paligid ng City Hall kung saan nagkampo na ang mga tagasuporta ni Echiverri.
Ayon pa kay Judge Kwong, ang TRO ay hindi tumutuligsa o laban sa naunang desisyon ng Court of Appeals na nagbigay daan para aprubahan ni DILG Sec. Jesse Robredo ang suspensiyon ni Echiverri kundi ito ay nagnanais na mapanatili ang “status quo ante pending resolution of the petitioners motion for reconsideration and to maintain public order considering that a barricade has been established in the premises of city hall which may result in uncontrolled violence or chaos threat.”
Humingi si Echiverri ng declaratory relief sa ilalim ng Rule 63 ng Rules of Court kung saan sinabi niyang kailangan muna ang isang “judicial determination” kung ang kautusan ng CA ay “final and executory” o kailangang ipatupad kaagad gaya ng pinalalabas ng kampo ni Erice.
“Bilang alkalde ng lungsod, obligasyon kong panatilihin ang kapayapaan at maiwasan ang kaguluhan sa ating mga lansangan. Hindi ko rin hahayaang maputol kahit panandalian lang ang ating serbisyo sa mamamayan na tunay na mga biktima ng paglalaway ni Erice sa aking puwesto,” sabi ni Echiverri.
Hinamon din niya ang katunggali na muling tumakbo sa 2013 laban sa kaniya. “Bakit di natin hayaan na ang taong bayan ang maghusga? Malapit na ang election. Bakit di ka makapag-antay?” panunutya pa ni Echiverri.