MANILA, Philippines - Sa kabila ng protesta ng gobyerno sa panibagong insidente ng umano’y panghihimasok ng China sa teritoryong pag-aari ng Pilipinas, tiniyak ng Malacañang na hindi ito makakaapekto sa ugnayan ng dalawang bansa.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na idudulog umano ng pamahalaan sa “proper forum” ang insidente.
Una rito, itinuring ni Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario na “serious concern” ang insidente na pagpasok ng tatlong Chinese navy ships sa territorial water ng Pilipinas noong nakaraang buwan.
Ang tinutukoy ng kalihim ay ang naiulat na sightings ng tatlong barko ng China sa Sabina Shoal sa bahagi ng West Philippine Sea noong December 11 at 12, 2011.
Ang Sabina Shoal ay matatagpuan sa layong 123.6 nautical miles mula sa Palawan at malinaw umanong nasasakupan ito ng soberenya at maritime jurisdiction ng Pilipinas.
Bukod sa Pilipinas bahagi rin ang China, Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam sa mga bansang may inaangkin na teritoryo sa rehiyon. (Rudy Andal/Ellen Fernando)