MANILA, Philippines - Halos mawalan ng gana dahil dismayado ang Embahada ng Korea matapos makatakas sa kulungan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Fort Bonifacio, Makati City ang isang notoryus na Koreano na suspek sa kidnapping at robbery extortion sa kanilang bansa.
Bunsod nito, nanawagan ang Korean Embassy sa PNP na magsagawa ng masusing imbestigasyon kaugnay sa ginawang pagtakas ni Kim Sung Kon, 39.
Dis. 27, 2011 dakong 1:30 ng madaling araw nang umiskapo si Yun. Nakipag-inuman si PO3 Noel Bunal kay Kon at iba pang Korean detainee dakong alas-10 ng gabi noong Dis. 26, 2011.
Bukod dito, may dalawang babae ang dumating habang nag-iinuman sila at hinikayat ang mga Koreano na makipagtalik sa kanila kapalit ng pera.
Pinayagan ni Bunal sina Kon at isa pang Koreano sa alok ng mga babae pero madaling-araw kinabukasan, wala na si Kon sa detention cell.
Samantala ang kasamahan ni Kon na si Kim Won Bin ay pinayagan naman na makapaglagak ng piyansa at agad bumalik sa Korea.
“It was to the disappointment of the Embassy that on December 31, 2011, we learned of the incident that Kim Sung Kon has escaped from detention on December 26, 2011 and on the following day, December 27, 2011 Kim Won Bin was bailed out who later flew to Korea. With this, we would like to respectfully request for official statement/reports of the PNP and we are anticipating appropriate action and thorough investigation on this matter,” pahayag ng Korean Embassy.
Inaangal din ng Korean Embassy kung bakit hanggang ngayon ay nananatili sa kanyang puwesto si CIDG South Sector chief Major Lacuesta gayung may relieve order na ito.