MANILA, Philippines - Bagama’t maaliwalas ang panahon, hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad ng pagpasok o may mamuong sama ng panahon sa unang buwan ng taong 2012.
Ayon sa PAGASA, karaniwan na ang bagyo ay pumapasok sa teritoryo ng bansa sa mga araw na ito ng taon.
Gayunman, sinabi ni forecaster Manny Mendoza na ang malamig na panahon at hanging amihan ay mahirap sa mga weather distubance, tulad ng namumuong sama ng panahon na mabuo bilang bagyo.
Tulad na lamang anya ng LPA na nasa Mindanao, na maliit lamang ang tsansa na maging bagyo sa ngayon. Ang malamig na hangin na umabot na sa South Mindanao ang maaring maging dahilan para malusaw ang nasabing LPA.
Sinasabing ang unang bagyo na maaring pumasok o mabuo sa teritoryo ng bansa ay tatawaging “Ambo.”
Base sa listahan ng PAGASA ang iba pang pangalan ng bagyo na maaring pumasok sa bansa sa 2012 ay ang Butchoy; Cosme; Dindo; Enteng; Frank; Gener; Helen; Igme; Julian; Karen; Lawin; Marce; Nina; Ofel; Pablo; Quinta; Rolly; Siony; Tonyo; Ulysses; Vicky; Warren; Yoyong at Zosimo.
Gayunman, ang bagyong “Frank” ay tinanggal na sa listahan dahil sa matinding pinsala na ginawa nito noong 2008.