MANILA, Philippines - Mahigpit na ipinagbabawal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang pagbebenta ng anumang uri ng imported na paputok at pailaw dahil sa peligrong maaaring idulot nito sa tao at ari-arian.
Ayon kay BFP Deputy Directorate for Fire Safety and Prevention Senior Supt. Igmedio Bondoc na tanging mga lokal at “regulated” na paputok, o ang may taglay na pulburang hindi lalampas ng tatlong kutsarita lamang ang pinahihintulutang ibenta ng kanilang ahensya.
“Ito ay upang maiwasan ang anumang disgrasya at sunog (sanhi ng ilegal at malalakas na uri ng paputok) sa kanilang lugar,” aniya.
Ani Bondoc, bukod sa pagtitiyak na walang makalulusot na imported firecracker sa merkado, puspusan din aniya sa pag-ikot ang kanilang mga tauhan sa mga tindahan ng paputok upang masiguro na may kaukulang permit ang mga ito.
Sa pinakahuling datos ng BFP, umabot na sa 33 kabahayan ang natupok ng sunog ngayong taon dahil sa paputok. Higit itong mababa kaysa sa 50 naitala noong nakaraang taon, subalit sinabi ni Bondoc na maaari pa rin itong tumaas dahil hindi pa nila natatanggap ang ibang report mula sa kanilang mga regional office.
Sa ilalim ng Republic Act 7183, legal magbenta at gumamit ng baby rocket, bawang, small triangulo, “pulling of strings”, cap guns, labintador, Judas Belt, sky rocket at anumang kahalintulad na uri ng paputok.
Sa kabila nito, mahigpit namang ipinagbabawal ang mga gaya ng Big Triangle, Super Lolo, Mother Rocket, Five Star, Og, Pla-Pla, Pillbox, Goodbye Earth, Atomic at iba pang mapanganib na paputok na ilegal ang pagkakagawa.
Ang watusi, na bagama’t hindi itinuturing na isang malakas na paputok ay mahigpit ding ipinagbabawal sa merkado dahil sa panganib nito sa kalusugan kapag aksidenteng nakain, ani Bondoc.