MANILA, Philippines - Gagamitin ng House prosecution team sa impeachment trial ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona ang lead private prosecutor na siya ring nagsilbing legal counsel ni Clarisa Ocampo sa impeachment trial noon ni dating pangulong Joseph Estrada.
Sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo na siya ring spokesman ng prosecution team, si Atty. Mario Bautista ang siyang mangunguna at mangangasiwa sa legal strategy ng kanilang grupo.
Si Bautista ay nag-bar topnotcher noong 1976 at kilalang mahusay na abogado sa legal community at mayroon din itong mahusay na experience sa impeachment trial.
Giit pa nito sa kasalukuyan ay hindi nakikisawsaw sa kanilang grupo ang tinaguriang “The Firm” o ang Marcelo, Cruz, Villaraza at Angangco law firm.
Nilinaw naman ni Quimbo na pro-bono o libre ang serbisyo ni Bautista at ang dalawa o tatlo pang pribadong abogadong magsisilbing lead private prosecutor.
Tumanggi namang pangalanan ng kongresista ang mga kasama ni Bautista dahil na rin sa takot na maapektuhan ang kanilang propesyon dahil hindi ordinaryong litigant ang kanilang kalaban.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Quimbo kay Corona na mag-leave o magbakasyon na lamang ito para hindi nagagamit ang Korte Suprema sa pansariling interes nito at makapag-concentrate sa kanyang impeachment trial.