MANILA, Philippines - Sa kabila ng kanilang pagkakakulong nakadama ng kaligayahan ang libu-libong bilanggo ng New Bilibid Prisons (NBP) partikular na ang mga kamag-anak ay nasa malayong lugar sa pamamagitan ng “e-Dalaw o electronic visitation scheme” ng Bureau of Corrections.
Sinabi ni NBP Supt. Richard Schwarzkoptf na marami sa mga bilanggo ang hindi nakakapiling ang kanilang mga pamilya na nasa malalayong probinsiya at ang iba ay nasa ibang bansa.
Nakapiling ng mga ito ang ilan sa mga kaanak sa pamamagitan ng 15-30 minutong pakikipag-usap sa mga kapamilya sa pamamagitan ng “internet video chat” mula alas-8 ng gabi hanggang alas-12 ng hatinggabi mula nitong Disyembre 19 hanggang kahapon ng Pasko.
Sinabi ni Schwarzkoptf na nagpasya silang muling buksan ang e-Dalaw upang makapiling at makausap kahit saglit ng mga bilanggo ang kanilang pamilya upang makadama naman ng konting saya at pag-asa.
Noon pang buwan ng Oktubre napasimulan ng NBP ang e-Dalaw bilang bahagi ng programang rehabilitasyon ng Bureau of Corrections partikular sa libo-libong bilanggo sa Muntinlupa.
Sinabi ni Schwarzkoptf na naglagay din ng air conditioned sa mistulang internet café sa loob ng maximum security compound na nilagyan ng anim na computers na magagamit ng libre ng mga bilanggo mula Lunes hanggang araw ng Linggo.
Muling magsasagawa ng e-Dalaw ang NBP ngayong darating na Bagong Taon para makasama muli ng mga walang dalaw na bilanggo ang kanilang mga kaanak kahit sa internet lang.