39 paaralan apektado ni Sendong -- DepEd

MANILA, Philippines - Umaabot sa 39 na pa­aralan sa Mindanao ang naapektuhan ng bagyong Sendong at dalawa sa mga ito, na matatagpuan sa Iligan City, ang totally washed out at nanganga­ilangan ng relokasyon.

Ito ay inisyal na bilang pa lamang umano dahil ayon sa Department of Edu­cation (DepEd) ay nagpapatuloy pa ang isi­nasagawang site infec­tion at validation ng ka­nilang Engineering Team (DepEd-PFSED) sa pinsala ng bagyo.

Sa summary report ng DepEd RaDAR hanggang alas-8:00 ng umaga nitong Disyembre 23, 2011, lumi­litaw na ang mga rehiyon na naapektuhan ng bagyo ay ang Region X, Region IX, Region XI, CARAGA, at ARMM habang ang mga dibisyon naman na apektado ay ang Cagayan de Oro City, Iligan City, Agusan del Sur, at Lanao del Sur IB.

Nasa mahigit 406 silid aralan naman ang napinsala dahil sa bagyo at aabot sa P20.42 milyon ang halaga ng mga furnitures na nasira rito.

Ang mga nasirang IT equipment ay tinataya namang aabot sa P3.85 milyon ang halaga habang ang total estimated cost ng mga nasirang Textbooks at Educational Manuals ay nasa P2.075 milyon.

Ang halaga ng mga school buildings na napinsala at nangangaila­ngan ng agarang pagkumpuni ay nagkakahalaga ng mahigit P79.6 milyon.

Batay pa sa report, ang kabuuang estimated cost ng damage sa DepEd properties ay aabot sa mahigit P105.95 milyon.

Tiniyak naman na ni Education Secretary Armin Luistro na ipa-prayori­dad nila ang pagkukumpuni sa mga nasirang paaralan at silid-aralan upang kaagad na makabalik sa eskuwela ang mga mag-aaral sa naturang lugar.

Show comments