MANILA, Philippines - Aabot sa 2,000 ang bilang na nasawi sa bagyong Sendong matapos lumobo pa sa 1,079 katao ang nawawala.
Ayon kay National Disaster Risk and Reduction Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos, nasa 1,080 na ang death toll kay Sendong habang 1,979 katao rin ang nasugatan at mahigit P1 bilyon ang pinsala sa mga sinalanta nitong lugar sa bansa partikular na sa lungsod ng Iligan at Cagayan de Oro City.
Inihayag din ni Ramos na dahil sa grabeng pinsala ng bagyo ay tinataya nilang tatagal pa ng hanggang Marso ang isinasagawang relief and rehabilitation effort sa lugar.
Sa Camp Crame, sinabi naman ni PNP Chief Director Gen. Nicanor Bartolome na patuloy pang pinaghahanap ang isang babaeng pulis na kabilang sa police search and rescue team na kinilalang si PO2 Sandy Labagan na nawala sa kasagsagan ng flashflood noong Disyembre 17.
Sa nasabing insidente ay nagbuwis ng buhay sina SPO1 Charlo Ediote ng Cagayan de Oro City Police at Insp. Charlito Penuliar ng Regional Public Safety Battalion. Masuwerte namang nakaligtas si Spo2 Roque Balistoy na napadpad sa karagatan ng Camiguin Island.
Alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Aquino ay hindi na nila pahihintulutang bumalik ang mga residente sa may tabing ilog sa Cagayan de Oro City at Iligan City dahil peligroso ng tirhan ang lugar.