MANILA, Philippines - Tutol ang Department of Health (DOH) sa plano ng lokal na pamahalaan ng Iligan City na pagsasagawa ng ‘mass burial’ sa mga labi ng mga biktima ng bagyong Sendong.
Ayon kay Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag, director ng National Epidemiology Center (NEC), hindi ‘advisable’ ang naturang plano.
Aniya, ang marapat ay tiyaking maayos ang pagkakalibing ng mga bangkay.
Payo pa ni Tayag, dapat bigyan ng pagkakataon ng lokal na pamahalaan ng Iligan City ang mga residente na kunin ang labi ng kanilang mga kamag-anakan at mabigyan sila ng maayos na libing.
Nauna rito, inihayag ni Iligan City Mayor Lawrence Cruz na magsasagawa sila ng mass grave para ilibing ang mga bangkay na nabubulok na at hindi pa kinukuha ng mga kamag-anak, sa pangambang magdulot ito ng panganib sa kalusugan ng mga residente.
Samantala, nanawagan si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa taong bayan na tulungan ang mga nasalanta ng bagyong Sendong.
Sa isang sulat kamay na press statement ni Macapagal na ipinadala sa kongreso, hinimok nito ang taong bayan na magdasal ng mataimtim para sa mga nasalanta ng bagyo.
Nakatakdang kilalanin naman ng 15-man team ng National Bureau of Investigation ang mga bangkay ng biktima ng Sendong. (Butch Quejada/Doris Franche)