MANILA, Philippines - Hindi handa ang mga mamamayan ng Mindanao na targetin ng bagyo dahil hindi umano ito typhoon prone area dahilan upang masorpesa sa pananalasa ni Sendong kung saan umabot na sa 600 ang bilang ng nasawi habang 281 ang nawawala at tinatayang nasa 12,473 ang nasa evacuation centers.
“Mindanao is not usually a typhoon prone area and residents were caught unprepared, mostly shocked by the flashfloods that swept away their belongings and source of livelihood such as crops and livestocks,” ayon kay Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon.
Kumbinasyon din umano ito ng sobrang lakas ng ulan sa loob ng ilang oras habang natutulog na ang mga tao.
Nasalanta ang taniman ng pinya na hindi naman sumisipsip ng tubig at nagkataong high tide pa umano nang panahong umatake si Sendong.
Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga nasawi bunga ng ulat na marami pa ring residente ang nawawala.
Bukod sa Cagayan de Oro City, apektado rin ng bagyo ang Iligan City, Negros Oriental at iba pang lugar sa Visayas at Mindanao.
Tiniyak naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na bibisitahin ni Pangulong Aquino ang mga binahang lugar subalit hindi prayoridad ngayon ng Palasyo na sisihin ang sinuman sa biglang pagbaha bunsod ng bagyong Sendong.
Wika ni Valte, nakapagbigay naman ng tamang warning ang PAGASA simula noong Dec. 14 subalit ng tumunog na daw ang kampana ay binalewala ng mga residente ito hanggang sa biglang lumaki ang tubig.
Nagpadala na kahapon ang gobyerno ng suplay ng tubig sa Cagayan de Oro. Walang tubig ang lahat ng barangay dahil nasira ang dalawang production wells ng Cagayan de Oro Water District (COWD). Gagamitin sa pag-airlift ng tubig ang C130.
Maging ang Maynilad ay nagprisintang magbigay ng 1,500 piraso ng 500ml water bottles habang in-offer ng Philippine Red Cross ang kanilang water bladders.
Sa kabila ng nalikom na P10-milyong donasyon ng Philippine Red Cross, umaapela pa sila sa mga indibidwal at korporasyon ng karagdagan pang tulong sa North Mindanao.
Kabilang sa dapat bigyang prayoridad ang kakapusan sa pagkain at inumin kasunod ng kulambo, banig, damit at hygiene kits, kumot, school supplies, tsinelas at sapatos para sa mga kabataang mag-aaral.
Isa pang mahigpit na pangangailangan doon aniya, ang sasakyan dahil karamihan sa mga nasalanta ay isolated areas na dapat gamitan ng barko at eroplano.
Samantala, inaasahang nakaalis na kagabi sa bansa si Sendong matapos na mamataan ito patungong Palawan.