MANILA, Philippines - Gagamitin ng mga lider ng iba’t ibang tribo sa South Cotabato ang kanilang tiyak na karapatang pantao na manawagan sa Malakanyang upang masigurong matutuloy ang panukalang Tampakan gold-copper project na magpapaunlad sa kanilang buhay.
Sa talumpati sa mga lider ng mga iba’t ibang tribo mula sa South Cotabato, Davao del Sur at Sarangani, sinabi ni Koronadal City tribal council head Ben Dalimbang na may likas silang karapatan na maghangad ng nasusustenahang kaunlaran gamit ang kanilang pinagkukunan o ari-arian.
“Sa pamamagitan ng Tampakan project, magkakaroon kami ng tsansa na matamo ang tunay at nasusustenahang progreso kaya gagamitin namin ang karapatang ito na isang malaking oportunidad sa amin,” ani Dalimbang na nilinaw pang matagal nang hinahangad ng mga tribo sa South Cotabato ang tunay na kaunlaran. “Mas nararapat sa amin ang higit sa bigay o tulong ng mga ahensiya ng pamahalaan, mga misyonaryo at NGOs,” dagdag ni Dalimbang.
Hiniling din niya sa gobyerno na tingnan ang tunay na sitwasyon sa South Cotabato at dapat ding pakinggan ng Malakanyang ang saloobin ng mga tribong naninirahan sa panukalang Tampakan mining project.
Nilinaw din niya na pinag-aralan ng mga lider ng iba’t ibang tribo ang lahat ng opsiyon para sa kaunlaran, kabilang ang pagmimina sa Tampakan.
Naging aktibo ang liderato ng South Cotabato tribal council para ipakita ang kanilang buong pagsuporta sa Tampakan mining project lalo’t pinaratangan sila ng Simbahang Katoliko sa lalawigan na tumatanggap ng suhol sa isang kompanya sa pagmimina.