MANILA, Philippines - Nakamit ng Laoag City Children’s Choir at ng University of the Visayas Chorale ang mga kampeonato sa children’s choir at open categories ng 2011 MBC National Choral Competition na ginanap Biyernes ng gabi sa Aliw Theater.
Pumangalawa sa children’s division ang Quezon City Performing Arts Foundation, pangatlo ang Koro del Pilar ng Malolos National High School at pang-apat ang Muntinlupa Science Children’s Choir. Ang Laoag City Children’s Choir ay palagiang nagiging finalist sa National Music Competition for Young Artists (NAMCYA) at sadyang ipinagkakapuri ng pamahalaang panlalawigan ng Ilocos Norte.
Sa open category naman, ipinamalas ng mga taga-Cebu na ang UV Chorale sa ilalim ng pagkumpas ni Anna Abeleda-Piquero ang siyang pinakamagaling sa hanay ng mga sumali ngayong taon. Nakuha ng St. Louis University Glee Club ang ikalawang puwesto, pumangatlo naman ang Koro Ilustrado ng Makati at pumasok sa ikaapat ang University of San Agustin Troubadours. Ang 2011 MBC National Choral Competition ay natatanging handog ng Manila Broadcasting Company at Star City sa pakikipagtulungan ng Smart Communications, Hanabishi, M. Lhuillier, Dunkin Donuts, Angel Kremdensada, Yakult, Coca Cola, Nagaraya at Pizza Hut.