MANILA, Philippines - Inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Maynila ang isang resolusyon na nananawagan kay Mayor Alfredo Lim na ipatupad ang Administrative Order No. 24 na nagpapahintulot sa minsang pagkakaloob ng pinakamalaking P10,000 bilang Productivity Enhancement Incentive (PEI) sa lahat ng kawani ng gobyerno kabilang ang Local Government Units (LGUs) at mga barangay.
Ayon kay District 1 (Tondo) Councilor Dennis B. Alcoreza, pangunahing may akda ng resolusyon, pinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang Budget Circular No. 2011-4 para ipatupad ang AO 24 na iniutos ni Pangulong Benigno Aquino III.
Tinuligsa naman ni Alcoreza sa kanyang privilege speech ang hindi pagpapatupad ni Lim sa Financial Assistance (FA) na nakalaan para sa lahat ng kawani ng City Hall mula sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre 2011.
Aniya, nakagawian na ng lungsod na magkaloob ng FA dahil bahagi ito ng taunang badyet at nasa pormang kompensasyon sa lahat ng kawani ng lungsod.
“Sa hindi pagpapatupad ng financial assistance ay para na ring binawasan ang kompensasyon na nararapat lamang ibigay sa mga empleyado ng City Hall,” ani Alcoreza.