MANILA, Philippines - Nagbabala si Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Public Affairs chairman Kalookan Bishop Deogracias Iñiguez na maaaring susunod na mai-impeach si Pangulong Benigno Aquino III kapag napatunayang nagiging diktador ang pamamahala nito sa bansa.
Ayon kay Bishop Iñiguez, isang paglabag sa Saligang Batas ang pagiging diktador ng isang namumuno sa isang demokratikong bansa.
Kasabay nito, hinamon ng Obispo si Chief Justice Renato Corona na patunayan ang kanyang paratang ng pagiging diktador ng Pangulong Aquino.
“Tinitingnan natin kung he is ruling directly accordance with the law dahil kung hindi ay puwede rin siyang ma-impeach.Kung lumabag siya sa batas ay puwede siyang ma-impeach din,” ani Bishop Iñiguez.
Pinayuhan naman ni Bishop Iñiguez si Corona na ipaliwanag ng maayos ang kanyang panig sa Senado at harapin ng buong tapang ang impeachment trial.
“Tama yung observation niya kay PNOY pero yung mga sagot niya ay sa Senate na lang ipapaliwanag at ang Senate na ang huhusga kung totoo o hindi. Justice and truth is what everyone should be after at kung nagiging personalan na then that is something negative. Sa Senado very vital, very decisive ang function, sila ang mag-decide sa impeachment. Nasa kamay nila na palabasin ang truth and then based on the truth to serve justice,” dagdag pa nito.
Naniniwala naman si Lipa Archbishop Ramon Arguelles na noon pa man ay mayroon ng binubuong diktadurya ang administrasyong Aquino.
Gayunman, tiniyak ni Archbishop Arguelles na mabibigo lamang ang pamahalaan ni PNoy dahil tututulan ito ng mara ming sektor ng lipunan at hindi rin nakakatiyak na susuporta ang militar sa Pangulo.
Binalaan ng Arsobispo ang Pangulong Aquino na huwag masyadong makampanti sa tinatamasang popularidad dahil bukas makalawa ay bigla na lamang itong babagsak dahil sa maraming kamalian sa pamamahala nito.
Samantala, binigyan diin ni dating CBCP President Jaro Archbishop Angel Lagdameo na walang ipinagbago ang administrasyong Aquino sa dating administrasyong Arroyo.
Iginiit ng arsobispo na ang girian ng executive, legislative at judiciary ay walang ibang naaapektuhan kundi ang mga ordinaryong mamamayan lalo na nang mga mahihirap na lalong nababaon sa kumunoy ng kahirapan dahil sa masamang pulitikang umiiral sa bansa.