MANILA, Philippines - Posibleng mapatawan ng parusa ang mga abogado mula sa Office of the Solicitor General (OSG) dahil sa kabiguan nitong tugunan ang kautusan ng Korte Suprema na maghain ng paliwanag hinggil sa isyu ng pagsibak ni Pangulong Aquino sa mga tinaguriang ‘midnight appointees’ nang nakalipas na administrasyon.
Ito’y batay sa ipinalabas na ‘show-cause’ notice ng SC laban sa OSG at iba pa hinggil sa kinukuwestiyong paglabag sa mga karapatan ng mga opisyal na itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Una nang nag-isyu ng executive order (EO) No. 3 si PNoy na nagpawalang-bisa sa EO 883 ni Arroyo sa pagtatalaga ng career service officer rank sa mga abogado sa public executive service.
Kabilang sa pinagsusumite ng paliwanag sa show-cause order ang OSG na pinamumunuan ni Solicitor General Jose Anselmo Cadiz, Francisca Bestoyong-Rosquita at Irma Villanueva, na bigong magsumite ng kanilang komento sa inihaing position paper ni Datu Mahumanay Bagi, et al.
Inatasan din ng high tribunal si Cadiz na pangalanan ang lahat ng abogado na may hawak sa kaso nina Bagi sa loob ng sampung araw.
Saklaw din sa show cause order ang mga kasong: “Eddie Tamondong vs. Executive Sec. Pacquito Ochoa, Jr”.; “Atty. Jose Arturo Cagampang De Castro, Asst. Sec. of the Department of Justice vs. Office of the President”,; “Atty. Cheloy Valicaria-Daanoy vs. OP, et al”; “Bai Omera Dianalan-Lucman vs. Ochoa”; “Atty. Dindo Venturanza vs. OP, et a”l; “Manuel Andal vs. Ochoa” at ang “Junio Ragragio and Atty. Charito Planas vs.Ochoa, et al”.
Si Cadiz naman ang nagtanggal kay Cheloy Garafil sa OSG , dahil itinalaga umano ito bago bumaba sa puwesto si Arroyo.