MANILA, Philippines - Pabor ang ilang multi-national business organizations sa gusto ng House Committee on Ways and Means na bawiin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kontrobersyal na revenue memorandum circular nila.
Sa pinagsama-samang position ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI); Tax Management Association of the Philippines (TMAP); Management Association of the Philippines (MAP); Employers Confederation of the Philippines (ECOP); Philippine Exporters Confederation, Inc. (PHILEXPORT), at Financial Executives Institute of the Philippines (FINEX), nababahala ang mga ito sa magiging epekto ng RMC 40-2011 dahil puwersahan umano silang magbigay ng Supplemental Information Return (SIR) bilang bahagi ng annual income tax returns ng bawat taxpayers.
Ayon sa Revenue Memorandum Circular 40-2011, na ipinalabas ng BIR noong Setyembre 5, 2011, obligado ang taxpayer na ilabas ang iba pang pinagkakitaan nila bukod sa kanilang suweldo.
Sinabi nina Batangas Rep. Hermilando Mandanas, chairman ng nasabing komite, Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo, Navotas Rep. Toby Tiangco at Isabela Rep. Girogini Aggabao, na wala daw legal na basehan ang RMC 40-2011 dahil hindi ito dumaan sa tamang proseso bago ito tuluyang ipatupad.
Ang mga lumagda sa naturang joint position paper sina PCCI president Francis Chua, TMAP president Atty. Agnes Le. Casabar Oxales, MAP president Architect Felino Palafox, Jr., ECOP president Edgardo Lacson, PHILEXPORT president Sergio Ortiz-Luis, Jr., at FINEX president Ronnie Alcantara.
Kinontra umano nila ang RMC dahilan sa kinakailangan isumite ang ITRs kasama ang SIR na labag sa probisyon ng Section 51(A)(2) ng Tax Code.