MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang na hindi ‘inaapi’ ng Aquino government si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo matapos maantala ang paglilipat nito mula sa St. Luke’s Medical Center patungo sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi inaapi ng Aquino government si Rep. Arroyo bagkus ay pangunahing inaalala ng mga awtoridad ang seguridad nito sa paglilipat mula St. Luke’s patungong VMMC.
Wika pa ni Usec. Valte, nirerespeto ng Aquino government ang lahat ng karapatan ni Mrs. Arroyo at pangunahing inaalala pa din nito ang kanyang seguridad.
“Hindi po sila inaapi. Hindi nga ho sila nauulalan, comfortable po ang dating Pangulong Arroyo doon sa kanilang paghihintay,” sabi pa ni Usec. Valte.
Nasa ilalim na kasi ng control ng PNP si Mrs. Arroyo na inatasan ng korte na mamahala sa paglipat ni CGMA mula sa St. Luke’s patungong VMMC.
Samantala, iginiit din ng VMMC na dadaan sa regular procedure si CGMA bago tuluyang ipasok ito sa presidential suite.