Bentahan ng ginto sa Central Bank bumagsak

MANILA, Philippines - Bumagsak ang bentahan ng ginto sa Central Bank ngayong 3rd quarter ng taong 2011 na umaabot sa 76 percent.

Sa isang press conference sa QC, sinabi ni DENR Secretary Ramon Paje na masyadong seryoso at nakakaalarma ang insidenteng ito kayat kakailanganin nila ang tulong ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force at Department of Finance sa pamamagitan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ng Bureau of Customs (BOC) para aksiyonan ang bagay na ito.

Anya, sa 3rd quarter ng 2011, ang bentahan ng ginto sa Central Bank ay umaabot lamang sa 1,722 kilos o may halagang P3.55 bilyon gayung sa kaparehong period ng 2010 ay umaabot ito sa 7,166 kilos o P12.32 bilyon.

Malaki ang hinala ni Paje na may nagaganap na smuggling sa bentahan ng ginto sa bansa kayat hindi ito naibebenta lahat sa Central Bank dulot ng sobrang taas ng halaga ng bentahan ng ginto sa kasalukuyan.

Ang mga lugar anya ng Compostela Valley, Paracale, Camarines Norte, Masbate, Agusan at Surigao ang pinagmumulan ng maraming ginto sa bansa.

Ang Central Bank ang nangangasiwa sa bentahan ng ginto sa bansa kaya hihilingin ng DENR na makialam na dito ang BIR at BOC para maiwasan na maipuslit ang mga ginto.

Show comments