MANILA, Philippines - Idineklara na ng House Committee on Justice na may sapat na sustansya o sufficient in substance ang impeachment complaint laban kay Associate Supreme Court (SC) Justice Mariano del Castillo.
Sa ginanap na botohan kahapon ng mga Kongresista, 40 ang pumabor na may sapat na basehan ang reklamong intellectual dishonesty at plagiarism laban kay del Castillo habang pito lamang ang kumontra na pawang miyembro ng Minorya.
Binigyan naman ng 10 araw ng komite si del Castillo upang sagutin ang naturang reklamo.
Nilinaw naman ni committee chairman Iloilo Rep. Niel Tupas, na hindi nila minamadali ang reklamo katunayan ay anim na buwan itong nakabinbin sa komite.
Nilinaw pa ng kongresista na walang kinamalan sa naganap na iringan nina Pangulong Aquino at Chief Justice Corona ang botohan sa Kamara.
Paliwanag ni Tupas, nais lamang nilang mahabol ang natitirang 10 araw na session para aksyunan ang impeachment complaint at isa rin umano itong solidong hakbang ng Justice Committee at hindi sila diniktahan ng Palasyo.
Sa Enero, muling magpapatawag ng hearing ang justice committee upang bigyan ng pagkakataon si del Castillo na maidepensa ang kaniyang panig. (Gemma Garcia/Butch Quejada)