MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang agarang pagpasa ng absentee voting para sa mga media at ang pagkakaroon ng tamang lugar para sa mga botante na may kapansanan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reform sinabi ni Pimentel na panahon na upang magkaroon ng batas para sa absentee voting ng mga miyembro ng media na karaniwan ay nasa coverage tuwing may eleksiyon.
Ipinunto pa ni Pimentel na may batas na para sa absentee voting ng mga OFWs, military personnel, pulis, members ng Board of Election Inspectors (BOEI) at iba pang empleyado ng gobyerno na nakakaboto ng mas maaga bago ang eleksiyon pero hindi pa kasama rito ang mga miyembro ng media.
Ang nasabing panukala ay nakapaloob sa Senate Bill 1198 na inihain ni Senator Manny Villar.
Dapat din umanong maging prayoridad ang pagtatayo ng mga special polling precints para sa may mga kapansanan.