MANILA, Philippines - Hinamon ni Ang Kasangga Partylist Congressman Teodorico Haresco ang Manila Electric Company (MERALCO) na magsilbing modelo sa pagtitipid ng enerhiya lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Kasunod na rin ito ng obserbasyon ng kongresista sa maluhong pagladlad ng Christmas lights sa punong tanggapan ng Meralco sa Pasig City.
Diin ni Haresco, hindi makatwiran na habang pinaparusahan ng Meralco ang mga konsyumer nito sa napakataas na singil sa kuryente ay ito naman ang nagsasayang ng enerhiya.
Ang nakakadismaya pa aniya ay hindi naman ang Meralco ang nagbabayad sa makokonsumong kuryente sa mga Christmas light nito sapagkat ipinapasa nila ito sa electric bill ng publiko sa pamamagitan ng tinatawag na Purchased Power Adjustment (PPA) na isa sa mga automatic cost recovery mechanisms na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa halip aniya na magsayang ng enerhiya, dapat ay gumamit na lamang ng alternatibong pagkukunan ng kuryente ang Meralco tulad ng solar energy upang mabawasan ang electricity cost nito bukod pa sa makatutulong sila sa paglaban sa Climate Change.
Kasabay nito, umapela rin si Haresco sa mga lokal na pamahalaan at iba pang komersyal na establisimyento sa buong bansa na bawasan ang paggamit ng mga Christmas light o iba pang dekorasyong pamasko na ginagamitan ng elektrisidad.
Lumalabas aniya sa pananaliksik na ang mga ilaw ay nakadaragdag ng 24.6% ng kabuuang greenhouse gas emissions sa buong daigdig, na malaking panggatong sa tumitinding global warming.