MANILA, Philippines - Magkatuwang na isinusulong ng pamunuan ng Manila Electric Company, pamahalaang lungsod ng San Juan at Rotary Club ang paggamit ng ‘solar light’ para makatipid ang publiko at mapangalagaan ang kalikasan.
Ang ‘Liter of Light o Isang litrong liwanag project’ ay pinasimulan kamakailan sa bayan ng San Juan na dinaluhan nina Jeffrey Tarayao, pangulo ng One Meralco Foundation; Mayor Guia Gomez at iba pang local ng pamahalaan ng bayan ng San Juan.
Sinabi ni Mayor Gomez, mababawasan ang basurang plastic at makakatipid sa kuryente ang publiko kapag gumamit ng boteng plastic bilang alternatibong ilaw o solar light.
Sa panig naman ni Tarayao ay kanyang sinabi na maiiwasan ang sunog dahil hindi na magja-jumper at gagamit ng kandila o gasera ang mga mamamayan partikular iyong nasa squatter area.
Base sa istatistika ng Bureau of Fire Protection (BFP), 90 porsiyento ng nagaganap na sunog sa Metro Manila ay sanhi ng kuryente.