MANILA, Philippines - Mabigat na parusa ang dapat ipataw sa mga jail guards na matatakasan ng bilanggo na nasa kanilang kustodiya.
Ito ang nilalaman ng pinagsama-samang panukala na inihain nina Aurora Rep. Juan Edgardo Angara (House Bill 251) at Antipolo Rep. Romeo Acop (HB 23992).
Base umano sa police reports, nasa 148 murder convicts at magnanakaw ang hindi pa rin nahuhuli matapos makatakas sa iba’t ibang bilangguan sa bansa.
Ang responsable umano sa pagbabantay sa naturang mga bilanggo ang siyang dapat na managot at masibak dahil sa responsibilidad, integridad at kakayahan ng mga ito.
Nais naman ni Occidental Mindoro Rep. Ma. Amelita Calimbas-Villarosa, co-author ng bill na maisama sa panukala ang Articles 155, 223 at 224 ng Republic Act 3815 o Revised Penal Code of the Philippines.
Nakapaloob dito ang proseso mula sa pagdadala ng bilanggo sa kulungan, sabwatan at pagpapabaya sa tungkulin.
Nakasaad pa sa ilalim ng panukala na papatawan ng parusang prision mayor ang mga mapapatunayang nagkasala sa pagkakatakas ng bilanggo.