MANILA, Philippines - Ihahain na ng mga kaalyado ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa Kamara ang isang resolution na humihiling na maisailalim ang dating pangulo sa house arrest.
Sinabi ni Quezon Rep. Danilo Suarez na inaasahang maihahain nila ngayong araw (Lunes) ang naturang resolution matapos itong dumalaw noong Sabado kay Arroyo.
Umaasa naman si Suarez, na bukod sa mga miyembro ng minorya ay lalagda din sa naturang resolution ang mga miyembro ng mayorya.
Hindi rin umano dapat kalimutan ng Pasay Regional Trial Court (RTC) na siyang dumidinig ng kasong electoral sabotage laban kay Arroyo na ang dating pangulo ay miyembro pa rin ng Kongreso na mayroong tungkulin na dapat gampanan sa kanyang mga constituents.
Ang katungkulan umano ng mga kasama sa Kongreso ni Arroyo ay protektahan ito at hindi naman isyu ang kautusan ng korte.
Kasabay nito, inaasahang darating na rin ngayong araw si Ang Galing Party list Rep. Mikey Arroyo matapos ang dalawang linggong pananatili sa Estados Unidos.
Nilinaw naman ng batang Arroyo na hindi siya umalis ng bansa upang magtago sa kanyang kinakaharap na kasong tax evasion o umiiwas sa kontrobersyal na kinasasangkutan ng kanyang ina na si dating Pangulong Arroyo.
Bukod dito matatapos na rin umano ang palugit o travel authority na binigay sa kanya ng liderato ng Kamara sa Disyembre 7 matapos umano itong mangalap ng donasyon para sa kanyang kinakatawang mga gwardiya at mga tricycle driver.
Tumanggi naman kumpirmahin ni Mikey kung nasa US ang kanyang kapatid na si Luli na hindi pa rin nagpapakita mula nang ma-ospital at makasuhan ang kanilang ina.