MANILA, Philippines - Sa gitna na rin ng tensyon sa pinag-aagawang Spratly Island sa West Philippine Sea, anim na mangingisdang Intsik ang naaresto ng mga awtoridad sa karagatan malapit dito.
Base sa ulat ni AFP-Westcom Commander Major Gen. Juancho Sabban, dakong alas-10:15 kamakalawa ng masakote ng nagpapatrulyang mga elemento ng Philippine Navy na lulan ng Patrol Ship 36 ang bangkang pangisda ng mga Intsik.
Nasakote ang lima pero nakatalon sa dagat ang isa pa habang aarestuhin ng mga tauhan ng Navy.
Hindi naman natukoy ni Sabban ang pangalan ng mga naaresto dahil hindi ang mga ito marunong magsalita ng English at kailangan pa ng interpreter.
Nasamsam mula sa mga ito ang 12 buhay na pawikan at iba pang mga yamang dagat.
Sa follow-up operation dakong alas-11:30 kaha pon ay nasakote naman ng Balabac Police ang kasamahan ng mga ito na tumalon sa dagat.
Itinurnover na sa kustodya ng Balabac Police ang mga nasakoteng Intsik para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong kriminal.