MANILA, Philippines - Hinihintay na lamang ni Vice President Jejomar Binay ang go-signal na magmumula sa Chinese government kung papayagan siyang tumungo sa nasabing bansa at makipag-usap sa mga top officials ng China bilang huling opsyon upang masagip ang bibitaying Pinoy.
Nabatid na inaayos na ang pasaporte at visa ng apat na miyembro ng pamilya ng nasabing Pinoy na siyang tutulak patungong China bago ang takdang pagbitay.
Sinabi ni DFA spokesman Raul Hernandez na hindi pa rin alam ng Pinoy na nakakulong sa Guangzi Detention House na itinakda na ang pagbitay sa kanya sa Huwebes.
Samantala, nagpasalamat naman si Pangulong Aquino sa ‘last ditch effort’ na nais gawin ni Binay para iapela ang kaso ng Pinoy na nakatakdang bitayin sa Dec. 8 sa China sa kasong drugs.
Pero ayon kay Aquino, mukhang malabo na umanong mapigil pa ito gaya ng mga nakaraang apela ng gobyerno.