MANILA, Philippines - Pangungunahan ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri ang kauna-unahang “Riders Summit” na gaganapin sa lungsod ngayong Huwebes (November 24) na layuning maturuan ang mga gumagamit ng motorsiklo na maging ligtas sa kanilang pagmamaneho.
Ayon kay Echiverri, dakong alas-6 ng gabi ay pormal na sisimulan ang 1st Riders Summit sa Glorietta Park, Tala, Caloocan City na tatagal ng dalawang araw at magtatapos sa Biyernes (November 25).
Layunin ng Riders Summit ng maturuan ang mga gumagamit ng motorsiklo ng tamang kortesiya at pamamaraan sa pagmamaneho sa mga pangunahing kalsada nang sa gayon ay maiwasan ang anumang sakuna.
Kabilang sa mga aasahang dadalo sa naturang summit ang iba’t-ibang samahan ng mga gumagamit ng motorsiklo sa bawat sulok ng Metro Manila at mga karatig lalawigan partikular na ang mga residente ng lungsod na nagmomotor sa kanilang pagbiyahe.
Sinabi pa ni Echiverri na napapanahon ang pagkakaroon ng summit na ito dahil maraming insidente ang nagaganap sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.