MANILA, Philippines - Tiniyak ng fact-finding panel mula sa Office of the Ombudsman na madidiin ng husto sa kaso si dating First Gentleman Mike Arroyo dahil mabigat ang kanilang mga ebidensiya hinggil sa anomalya sa pagbili ng helicopter ng Philippine National Police (PNP)
Ayon kay Edgardo Diansuy, Media Affairs Bureau director ng Ombudsman, inaprubahan na ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang 98-page investigation report na nagrerekomenda na magsagawa ng preliminary investigation at administrative adjudication hinggil sa umano’y anomalya sa pagbili ng PNP ng dalawang light operation police helicopters.
Pinag-isa na rin anya ng fact finding team ang dalawang magkahiwalay na kasong plunder at graft na inihain ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) noong Sept. 2, 2011 at ng mga Senador na sina Teofisto Guingona, Panfilo Lacson at Koko Pimentel nung Oct. 13, 2011.
Sabit din sa kaso sina dating DILG secretary Ronaldo Puno at retired PNP chief Jesus Versoza.
Ang second-hand helicopters ay nagkakahalaga ng P62.6 milyon na binili bilang bago ng PNP noong 2009.