MANILA, Philippines - Naaresto ng binuong DILG Anti-Kotong Task Force ang isang lalaki na nagpapakilang collector sa mga jeepney drivers sa southern Metro Manila, matapos isagawa ang entrapment operation laban sa kanya sa Parañaque City, iniulat kahapon.
Sa ulat na ipinarating ng task force kay DILG Secretary Jesse Robredo, nakilala ang suspect na si Moden G. Amerol, 29, alias Waray, ng Cadena de Amor, Nichols, Pasay City.
Si Amerol ay nagpapakilalang miyembro ng Federation of Jeepney Drivers and Operations Association na may biyaheng Baclaran-Zapote-Alabang at ang trabaho ay manguha ng pang-araw-araw na koleksyon sa mga jeepney drivers para sa isang Arturo “Dong” Banzon, ang pinuno ng kanilang asosasyon.
Bukod dito, ang nakukuhang koleksyon umano niya ay pinamamahagi rin ng kanilang grupo sa ilang miyembro ng local PNP, Metro Manila Development Authority at barangay officials sa Parañaque City.
Sinabi ni Amerol, hindi niya tiyak kung gaano ang halaga ng kotong money ang ibinibigay ng kanilang pinuno sa MMDA, PNP at barangay officials na nakatalaga sa naturang lugar.
Ayon pa sa ulat, si Amerol ay nagsasagawa ng kanyang iligal na pangongotong sa mga jeepney drivers na nagdaraan sa Quirino Avenue corner Redemptorist St. sa Parañaque City.
Nag-ugat ang pag-aresto makaraang makatanggap ng text complaint/message ang Inter-Agency Anti-Kotong Hotline 0918-8882749 kaugnay sa isang lalaki na puwersahang nanghihingi ng “tong” na P20 na may kasama pang pananakot sa mga driver na may biyaheng Baclaran-Zapote-Alabang.
Agad na isinagawa ang operasyon laban dito kung saan huli ito sa akto.
Sinampahan ng task force ang suspect ng kasong robbery/extortion sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code sa Parañaque City Prosecutors Office.