MANILA, Philippines - Tinawag na “spoiled brat” at “arogante” ng mga miyembro ng minorya sa Kamara si Justice Secretary Leila de Lima dahil sa pagsuway nito sa ipinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ng Korte Suprema para makalabas ng bansa si dating pangulong Gloria Arroyo.
Ayon kina House Minority Leader Edcel Lagman at Siquior Rep. Orlando Fua, maituturing na abogado si de Lima subalit hindi ito marunong sumunod sa itinatakda ng batas.
Giit ni Lagman, maituturing din na “arrogance of power” ang pagmamatigas ng kalihim na hindi sundin ang pasya ng Kataas-taasang hukuman kaya’t paano pa umano makakaasa ang mga ordinaryong mamamayan ng hustisya at proteksyon mula sa gobyerno kung mismong ang dating pangulo at ngayon ay mambabatas na tulad ni GMA ay hindi nakakuha ng tamang pagtrato.
Banat pa ng Minorya, tila lumilihis si de Lima sa ipinangakong ‘tuwid na daan’ ni Pangulong Aquino.
Pangamba naman ni Manila 5th district Rep. Amado Bagatsing, maaaring maulit ang ginawang paghamon ng DOJ sa Supreme Court kayat dapat na umano itong agad na maresolba.