MANILA, Philippines - Kinuyog ng mga Mehikano at kamuntik nang mabugbog ang mga kongresistang nanood sa laban nina Sarangani Rep. Manny Pacquiao at Juan Miguel Marquez sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang isiniwalat nina Manila Rep. Amado Bagatsing, Eastern Samar Rep. Ben Evardone at Negros Occidental Rep. Albee Benitez na kapwa nakaranas ng nakaka-traumang pagtrato mula sa mga Mehikanong umukopa sa buong MGM grand arena.
Paliwanag ng mga mambabatas, nakatikim din sila ng malakas na BOOOO!!! mula sa mga Mehikano na sa simula pa lamang umano ng pagkanta ng kanilang national anthem ay malakas na ang sigawan.
Kwento ni Bagatsing, chairman ng House committee on games and amusement, nang inaawit pa lamang ang national anthem ng Pilipinas, nagbubulyawan na umano ang mga Mehikano at animo’y kinukutya si Pacquiao.
Ayon pa kay Bagatsing, si YAKAP partylist Rep. Carol Lopez ay napaiyak sa takot na makuyog samantalang si Evardone at Benitez ay pinalibutan na ng mga malalaking Mehikano at muntik ng magulpi ng mga supporters ni Marquez habang nagchi-cheer sila sa pambansang kamao.
Inamin din ng mga mambabatas na “out-numbered” ang mga Pinoy sa naturang boxing fight kaya naman apela nito sa susunod na laban daw ni Pacquiao ay mas marami sanang mga kababayan natin ang personal na manuod at sumuporta sa ating pambato.
Bukod dito, dapat din na ang embahada ng Pilipinas ang humikayat sa mga Filipino community upang sila mismo ang sumuporta sa tuwing mayroong laban si Pacquiao upang hindi naman magmukhang kawawa ang mga Pinoy.