MANILA, Philippines - Kumbinsido si Senate President Juan Ponce Enrile na delikado ang lagay ng kalusugan ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Congresswoman Gloria Arroyo matapos niya itong dalawin sa kaniyang tahanan sa La Vista Subdivision, Quezon City.
“I saw her to be very sick,” sabi ni Enrile sa isang panayam bago magbukas ang sesyon kahapon.
Ayon kay Enrile, maputla ang dating pangulo at halatang nasasaktan ito habang nakasuot ang mga braces.
Ayon pa kay Enrile, nagtanong siya sa doktor tungkol sa mga braces na suot ng dating Pangulo na kapag tinanggal umano at mag snap off ay maaari nitong ikamatay.
“May braces sya eh. Nagtanong ako sa mga doctor, pag mawawala yung brace na yun, pag mag snap off, if something happens, she can die anytime,” sabi ni Enrile.
Naniniwala si Enrile na dapat ng payagan ng gobyerno na magpagamot sa ibang bansa si Arroyo dahil ginawa rin naman ito kay dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr.
Samantala, umapela naman si Senator Ramon Bong Revilla Jr. sa Department of Justice na pagbigyan na ang hiling ng kampo ni Arroyo na magpagamot ito sa ibang bansa para sa “humanitarian considerations.”