MANILA, Philippines - Nabuhayan ng loob ang isang Pinoy na nakatakdang bitayin sa Saudi Arabia matapos na isang anonymous donor ang nagbigay ng P1 milyon bilang tulong sa kakailanganing P35 milyong blood money kapalit ng kanyang kaligtasan at kalayaan.
Kinumpirma ni Rogelio ‘Dondon’ Lanuza, ang Pinoy na nasa death row sa Saudi, na isang anonymous donor ang nagbigay na ng isang milyong piso.
Bukod sa P1 milyong cash, bawat piso na ido-donate ng bawat indibidwal kay Lanuza ay dodoblehin ng donor.
Una nang inihayag ni Lanuza na may isang may magandang puso ang nagpahayag na magbibigay ng P4 milyon bilang ambag sa blood money sa kabila ng pagbibingi-bingihan ng pamahalaan na siya ay tulungang makalikom ng P35 milyon.
Dahil sa kabagalan ng aksyon, binatikos ng grupong Migrante ang Aquino government dahil sa ipinatutupad na “no money” policy para sa mga OFWs na nasa death row.
Sa ngayon ay wala pa ding naiaambag ang gobyerno sa kakailanganing blood money.