MANILA, Philippines - Tatlong kutsara ng bigas ang naitatapon ng bawat Pilipino sa araw-araw, na batay sa ginawang pag-aaral ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), ay maaari na sanang mapakinabangan ng may 4.3 milyong katao sa isang taon.
Ayon kay PhilRice executive director Eufemio Rasco Jr., kung walang nasasayang na bigas sa araw araw, hindi na kailangan pang mag-import ng bigas ng bansa. Partikular anyang makikita ang nasasayang na bigas sa mga restaurant na sobrang daming magbigay ng bigas pero hindi naman nauubos gayundin sa mga kabahayan.
Anya, malaki ang maitutulong ng bawat mamamayan na maiwasan ang pagsasayang sa bigas kung mismong tayo ay hindi magpapabaya sa pagkonsumo ng bawat butil ng bigas.
Upang maiwasan ito, sinabi ni Rasco na nakasentro ngayon ang ahensiya na ipakilala ang ‘rice manga’ upang maiparating sa mamamayan ang kahalagahan ng bigas at pagkakaloob ng mga seminars sa mga mag-aaral kung paano makakatulong sa bansa na maiwasang magsayang ng bigas.