MANILA, Philippines - Nag-umpisa nang mag-ikot sa iba’t ibang pamilihan ang mga tauhan ng Department of Trade and Industry (DTI) para inspeksyunin ang mga ibinibentang mga Christmas lights laban sa mga substandard na mga paninda.
Pinayuhan ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya ang mga mamimili na hanapin sa pakete ng bibilhing Christmas lights ang “holographic stickers” na patunay na dumaan sa pagsusuri ang mga ilaw at ligtas na gamitin.
Ito ay bukod pa sa import commodity clearance (ICC) seal at Philippines Standard (PS) seal na nakadikit sa likod ng pakete ng mga produkto.
Ang naturang hakbang ay upang maiwasan ang taun-taong nagaganap na sunog na nag-uumpisa sa mga mahihinang klaseng Christmas lights na nabibili ng mas mura ng publiko.
Samantala, inaasahang nagdikit na rin ang DTI ng mga “Noche Buena price posters” sa iba’t ibang pamilihan at mga supermarkets sa bansa. Nakalagay sa naturang poster ang mga produkto na karaniwang kasama sa handang Noche Buena at ang angkop na presyo nito na dapat mabili ng mga consumers.
Tiniyak naman umano ng iba’t ibang asosasyon ng mga supermarkets at groceries na hindi sila magbebenta ng mga expired na mga produkto. Agad umanong tatanggalin sa kanilang mga food shelves ang mga produkto dalawang araw bago pa marating ng mga ito ang “expiry date”. Nanawagan rin ang DTI sa publiko na maaga pa lang ay mamili na ng mga ihahanda sa Noche Buena at Medya Noche na mga hindi nabubulok habang mas mura pa.