MANILA, Philippines - Wala umanong maitutulong sa peace process at adhikain na makamit ang tunay na kapayapaan sa pagbibigay ng pamahalaang Aquino ng dole-out sa mga rebelde.
Ayon kay Iligan Bishop Elenito Galido, hindi umano makakatulong sa magkabilang panig ang dole-out ng gobyerno dahil mistula nitong binibili ang kapayapaan at kapag pera na ang pinag-usapan ay wala itong accountability.
Sinabi naman ni Cotabato Auxiliary Bishop Jose Collin Bagaforo na mistulang bribery at extortion ang pagbibigay ng administrasyong Aquino ng P5 milyong dole-out sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at P31 milyong piso sa Alex Bongcayao Brigade (ABB).
Pinuna din ni Bishop Bagaforo ang kawalan ng transparency ng administrasyong Aquino sa sinasabing dole-out sa mga rebeldeng grupo.
Giit naman ni Caritas Manila Executive Director Rev.Fr. Anton CT Pascual, kung nais ng pamahalaan na tulungan ang mga rebeldeng nagbabalik-loob sa gobyerno ay bigyan sila ng trabaho at mapagkakakitaan na panghabang buhay nilang mapapakinabangan.
Ikinalungkot din nito ang kawalan ng transparency at accountability ang pamahalaan sa kasunduan nito.
Ayon naman kay Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, bilang mga mamamayan at taxpayer, obligasyon ng pamahalaan na ipaalam sa publiko kung ano ang kanilang pinag-usapan lalo na sa usapin ng financial assistance.